Ni Dr. Abd Ar-Rahman bin Abd Al-Kareem Ash-Sheha




Yüklə 463.94 Kb.
səhifə1/7
tarix20.04.2016
ölçüsü463.94 Kb.
  1   2   3   4   5   6   7



Muhammad

Ang Sugo ng Allah 

محمد رسول الله صلى الله عليه وسلم باللغة الفلبينية


Ni

Dr. Abd Ar-Rahman bin Abd Al-Kareem Ash-Sheha

Isinalin sa Wikang Pilipino nina:


Ahmed Jibril Salas

Abdul Khaliq Saripada

Jamal Joves




WWW.ISLAMLAND.COM



Ang Mga Nilalaman Pahina


Ang Mga Katagang Ginamit sa Aklat na Ito

3

Ang Panimula

5

Sino ang Sugong si Muhammad ()?

11

Ang Kanyang Angkan

11

Ang Kanyang Pook ng Kapanganakan at Kabataan

18

Ang Paglalarawan sa Propeta ()

30

Ang Ilan Sa Mga Magagandang Ugali at Katangian

ng Propeta ()



36

Ang Ibang Disente at Kalugud-lugod na Asal ng

Propeta ()



63

Ang Mga Makatarungan at Pantay na Mga Pahayag

68

Ang Mga Asawa ng Propeta ()

72

Ang Mga Katibayan Na Nagpapatunay sa

Pagiging Tunay na Propeta ()



77

Ang Katibayan Mula sa Banal na Qur’an

77

Ang Katibayan Mula sa Sunnah

78

Ang Katibayan Mula sa Mga Naunang Banal na

Kasulatan



79

Ang Katibayan Mula Sa Ebanghelyo

87

Ang Mga Makatuwirang Katibayan Tungkol sa

Kanyang Pagiging Propeta ()



88

Ano Ang Kabuuang Kahulugan ng 'Muhammad

Rasulullah" (Si Muhammad ay Sugo ng Allah)



105

Ang Huling Pananalita

117

Talasalitaan

120

Ang Mga Katagang Ginamit sa Aklat na Ito

(Sinipi mula sa Aklat ni Sheikh Mahmoud Murad na: 'Common Mistakes in Translation')


Rabb: Ang katagang Rabb ay kadalasang isinasalin ng iba bilang katumbas ng salitang Panginoon (Lord). Subali't, bukod sa katotohanang ang huli ay isang katagang ginamit sa Bibliya, ang katagang ito ay ginagamit din kapag tinutukoy si Propeta Hesus () bilang kanilang Panginoon. Ang salitang Panginoon (Lord) ay isang kataga na ang karaniwang kahulugan nito ay nakahangga lamang sa isang "guro, pinuno, may-ari o tagapamahala", na sadyang kapos at kulang sa diwa o kahulugan kung ihahambing ito sa katagang Rabb sapagka't ang Rabb (na mula sa wikang arabik) ay mayroong malawak na kahulugan at kahalagahan. Ang ilang mahahalagang kahulugan ng Rabb ay ang Tagapaglikha, ang Tagapaghubog (Tagapag-anyo), ang Tagapanustos, ang Tanging Isa na inaasahan ng lahat ng mga nilikha upang patuloy na mabuhay, at Siya ang Tanging Isa na nagbibigay ng Buhay at nagdudulot ng Kamatayan. Sa aklat na ito, gagamitin natin ang katagang Rabb na may panaklong na (Panginoon) upang maging madali sa mga mambabasa.

  1. Deen: Ang salitang Deen ay isinalin bilang Relihiyon, na sa wikang Arabik, ito ay karaniwang tumutukoy at nakaugnay sa isang Pamamaraan ng Buhay, maging ito man ay pansarili o pangkalahatan. Ito ay isang malawak na kataga na may kahulugan na: 'mga gawang pagsamba, ang mga kasanayang pampulitika, masusing alituntuning nauukol sa kagandahang-asal, kabilang na rito ang kalinisan at tamang pag-uugali'.

  2. () Sal'lal'laaho a'laihi wa sal'lam, ay nangangahulugan na:, 'Nawa'y purihin at itampok ng Allah (U) ang kanyang pangalan (Propeta Muhammad () at pangalagaan at ilayo siya at maging ang kanyang pamilya laban sa anumang masamang bagay'.




  1. () Subhaanaho wa Ta'aala, ay nangangahulugan na: 'Siya ay Ganap na malayo at malaya sa anumang kakulangan, kapintasan at kamalian'.



Sa Ngalan ng Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain

Ang Panimula
Lahat ng papuri at pagsamba ay nauukol lamang sa Allah, ang Rabb (Panginoon) ng mga daigdig at nawa’y purihin at itampok ng Allah (U) ang pagbanggit sa huling Propeta at iligtas siya at ang kanyang pamilya sa anumang pagkukulang at pangalagaan sila mula sa anumang kasamaan.
Kung ang pag-uusapan ay tungkol kay Propeta Muhammad (), dapat isaalang-alang na ang paksang tatalakayin ay nauukol sa pinakadakilang tao sa kasaysayan. Sa katotohanan, ito ay hindi pahayag na walang pinananaligang batayan; sapagka't kung kanilang babasahin ang kanyang talambuhay, katiyakan na kanilang matutuklasan sa katauhan ng Propeta Muhammad () ang isang napakagandang larawan ng isang taong nagtataglay ng ganap na kabutihan, kalinisan ng puso at dalisay na pananalig sa Poong Maykapal. Nararapat ding isantabi ang mga haka-haka at mga maling paratang upang maabot ang layuning matunghayan ang tunay na katauhan ng Dakilang Propeta (). At walang alinlangan na ang kanilang magiging konklusiyon ay katulad din ng mga matatalinong di-Muslim na sa ilalim ng kanilang makatuwirang pagsusuri, ay kanilang natagpuan ang mga natatanging ugali at asal ng Propeta ().

Si Propesor Hasan Ali () ay nagsabi sa kanyang babasahing, ‘Noor Al-Islam’, na ang kanyang kasamahang Brahmin1 ay nagbigay-puna; ‘Ako ay kumikilala at naniniwala na ang Propeta ng Islam ay siyang pinakadakila at pinakamatalinong tao sa kasaysayan." Tinanong ni Propesor Hasan Ali, () ang kanyang kasamahan kung bakit itinuring niyang pinakadakila at pinakamatalino sa kasaysayan (si Propeta Muhammad, )? Ang sagot niya ay, ‘Walang ibang tao ang may taglay ng ugali, kagandahang-asal at dangal na katulad ng taglay ng Propeta () sa isang pagkakataon’. Siya () ay hari, na sa ilalim ng kanyang kapamahalaan ay napag-isa niya ang buong Tangway ng Arabia, nguni't sa kabila ng kanyang kapangyarihan, taglay pa rin niya ang kababaang-loob. Siya () ay naniniwala na ang Kapangyarihan at Kapamahalaan ay pag-aari lamang ng kanyang Rabb (Panginoon) lamang. Ang mga malalaking yaman ay dumaan sa kanya, subali't siya ay namuhay pa rin sa kahirapan; ilang araw silang hindi nakapagluluto sa kanilang bahay at siya ay nanatiling gutom. Siya () ay dakilang pinuno; pinamunuan niya ang mangilan-ilang bilang sa larangan ng digmaan laban sa libu-libong kaaway subali't ito ay kanyang nagagapi nang buong tagumpay. Kinalulugdan niya ang kasunduang pangkapayapaan, at sinasang-ayunan niya ang kasunduan ng buong puso at katatagan bagama't mayroon siyang matatapang at magigiting na kasamahang handang magtanggol sa kanya. Bawa't kasamahan niya ay may angking katapangan at maaaring haraping nag-iisa ang libong kaaway na walang anumang nadaramang pangamba. Datapwa't ang Propeta () ay may mabuti at maawaing puso na hindi niya ninais na dumanak ang dugo. Siya () ay labis na nagmalasakit sa kapakanan ng Tangway (Peninsula) ng Arabia, subali't hindi niya nakaliligtaan ang pananagutan niya sa kanyang pamilya, sa kanyang mamamayan at sa mga maralita. Siya () ay masigasig na nagpalaganap ng Islam sa mga naliligaw ng landas. Sa kabuuan, siya ay nagmamalasakit sa kapakanan at kabutihan ng sangkatauhan, subali't, hindi siya nalulong sa pagkamal ng mga makamundong kayamanan. Siya () ay naging abala sa pagsamba sa Allah (U) at nalulugod siya sa mga bagay na nauukol sa pagsamba sa Allah (U). Siya () ay hindi naghihiganti para sa kapakanan ng kanyang sarili. Higit pa roon, ipinagdarasal pa niya () ang kanyang mga kaaway upang gumanda ang buhay, at nagpapaala-ala sa kanila sa kaparusahan ng Allah (U).


Tinatalikdan niya ang makamundo o materyal na kasiyahan o kasayahan at ginugugol niya () ang gabi sa pagsamba sa Allah (U). Siya () ay matapang na sundalo at malakas ang loob na nakipaglaban sa pamamagitan ng espada. Siya ang di-nagkakamaling Propeta (), na nakipaglaban sa maraming pamayanan at bansa upang ibantayog ang pagsamba sa Nag-iisang Diyos at ang makatarungang Batas ng Islam. Siya () ay natutulog sa banig na gawa sa tuyong damo at unan na nilagyan ng dayami. Siya ay tinanghal at tinagurian ng mga mamamayan bilang Sultan ng mga Arabo at bilang Hari ng Peninsula ng Arabia, datapwa’t ang kanyang pamilya ay pangkaraniwan lamang ang pamumuhay, kahit na ang kanyang pamayanan ay nakalikom ng malaking kayamanan, ang mga ito ay inilagak sa Masjib. Si Fatima, kalugdan nawa siya ng Allah, (anak ng Propeta, ) ay dumaing sa hirap ng kanyang mga gawain, (tulad ng) pagbubuhat ng batong panggiling at lalagyan ng tubig na nag-iwan ng marka sa kanyang katawan. Ang Propeta () noon ay namamahagi ng mga babae at lalaking alipin bilang kawanggawa para sa mga Muslim. Nguni't siya (Fatima, kalugdan nawa siya ng Allah) ay hindi binigyan ng bahagi, sa halip siya ay tinuruan ng magandang salita at panalangin.
Minsan, si Omar () na kanyang kasamahan ay nagtungo sa kanilang bahay at nakita ang pamamahay na walang laman kundi ang banig na gawa sa dayami (o dahon ng datiles) na pinaghihigaan ng Propeta () na nag-iwan ng bakas nito sa kanyang katawan. Ang tanging kabuhayang (o pagkaing) natitira sa tirahan nila noon ay kalahating Saa’ (isang takal na sukat) ng trigo na nasa lalagyan, at isang sisidlan ng tubig na nakasabit sa dingding… ang mga ito ang pag-aari ng Propeta ng Allah () nang panahon na ang kalahati ng Arabia ay nasa kanyang pamamahala. Napaiyak si Omar () sa kanyang napagmasdan. Tinanong siya ng Propeta (), ‘O, bakit ka umiiyak Omar ()?’ Siya ay sumagot, ‘Bakit hindi ako mapapaiyak, sina ‘Khosrau at Heraclius’ (mga Emperador ng Persiya at Roman) ay nagtatamasa ng kaginhawaan ng kanilang sarili sa mundo nguni't ang Propeta ng Allah (), ang mayroong lamang ilang ari-arian na aking nakikita!’ Ang Propeta () ay nagsabi, ‘O Omar ()! Hindi ka ba nagagalak na ang bahagi nina Khosrau at Heraclius ay ang kanilang kaligayahan dito sa mundo at sa Kabilang Buhay ang kaligayahan ay para sa atin lamang?
Nang sinisiyasat ni Propeta Muhammad () ang kanyang pangkat bago lusubin at masakop ang Makkah, si Abu Sufyan () ay nakatayo sa tabi ni Al-Abbas () na tiyuhin ng Propeta () at sila ay nakatingin sa mga bandilang iwinawagayway ng mga sundalong Muslim. Si Abu Sufyan () ay hindi pa Muslim sa panahon na iyon. Siya ay nagulat sa malaking bilang ng mga Muslim, at sila ay sumulong patungong Makkah na parang tubig na umaagos. Walang sinuman ang maaaring nakapigil sa kanila at walang sinumang naglakas-loob na humadlang sa kanila. Si Abu Sufyan () ay nagsabi noon kay Al-Abbas (), ‘Ang iyong pamangkin ay naging isang dakilang Hari! Si Al-Abbas () ay sumagot, ‘Ito ay hindi pagiging hari, kundi ang pagiging Propeta, at Sugo ng Islam."
Si Ad’ee At-Ta’ee, ang anak ni Ha’tim At-Ta’ee, na siyang larawan ng kagandahang-loob at pagkamapagbigay, ay dumalo sa pagtitipon ng Propeta (), noong siya ay Kristiyano pa. Nang makita niya kung paano ang paggalang at pagmamahal sa Propeta () ng kanyang mga kasamahan, siya ay nabalisa at nalito – siya ba ay Propeta o Hari? Tinanong niya ang kanyang sarili, siya ba ay Hari o Sugo ng Allah ()? At habang siya ay nagmumuni-muni, may isang dukhang babae na lumapit sa Propeta (), at sinabi; ‘May lihim akong nais sabihin sa iyo.’ Sinabi niya sa kanya; ‘Saan at sa anong daan sa Madinah ang nais mong magtagpo tayo?’ Ang Propeta () ay umalis na kasama ang dukhang babae, at ipinagkaloob ang nararapat na tulong at pangangailangan. Nang makita ni Ad’ee ang kababaang-loob ng Propeta (), napagtanto niya ang katotohanan at itinapon niya ang krus na kanyang suot-suot at siya ay nag-Muslim.
Kami ay magbibigay ng mga pahayag ng mga taga Silangan tungkol kay Propeta Muhammad (). Kami bilang Muslim ay naniniwala sa kanyang pagiging Propeta () at sa kanyang Mensahe. Iniuulat namin ang mga sumusunod na pahayag na ito sa dalawang dahilan;

  1. Upang magsilbing paala-ala at paunawa para sa kapakanan ng mga Muslim na tumalikod sa Propeta (), upang sa ganoon sila ay magbigay ng pagpapahalaga at magbalik-loob sa kanilang Deen (Relihiyon).

  2. Upang makilala ng mga di-Muslim ang Propeta () mula sa mga pahayag ng kanilang mismong mamamayan, upang sila ay maaaring mapatnubayan sa Islam.

Ako ay nakikiusap sa mga mambabasa na huwag panghawakan ang kanilang mga haka-haka sa paghahanap ng katotohanan, sa kanilang pagbabasa sa aklat na ito o maging sa ibang mga lathalain ng Islam. Ako ay dumadalangin na nawa'y buksan ng Allah (U) ang kanilang puso at dibdib upang tanggapin ang katotohanan, ipakita ang tamang landas at magbigay ng inspirasyon sa kanila upang tahakin ang Landas ng Islam.


Dr. Abd Ar-Rahman bin Abd Al-Kareem Ash-Sheha

Email: info@islamland.com



www. Islamland.com

Sino ang Sugong si Muhammad ()?

Ang Kanyang Angkan
Siya si Abul-Qasim2 (ama ni Al-Qasim) Muhammad (), anak ni Abdullah, na anak ni Abdul-Mutalib. Ang kanyang lahi ay mula sa bakas ng mga tribu ni Adnan, na anak ni Ismael (ang Propeta ng Allah, na anak ni Abraham, na siyang pinili at minamahal ng Allah, (). Ang kanyang ina ay si Aminah, na anak na babae ni Wahb. Nawa'y purihin at itampok ng Allah () ang pagbanggit sa kanila.
Ang Propeta () ay nagsabi: "Katotohanang hinirang ng Allah ang tribu ng Kinaanah nang higit kaysa ibang tribu ng mga Anak ni Ismaael; Pinili Niya ang Quraish nang higit mula sa tribu ng Kinaanah; at pinili Niya ang Banu Haashim higit kaysa sa mga ibang angkan ng Quraish; at hinirang Niya ako mula sa Banu Haashim." (Muslim #2276)
Kaya, ang Propeta () ang may pinakamarangal na angkan sa buong mundo. Napatunayan ng kanyang mga kaaway ang katotohanang ito; tulad ni Abu Sufyan (), na siyang pinakamahigpit na kalaban ng Islam bago siya naging Muslim, ay nagpahayag sa harapan ni Heraclius, ang Emperador ng Roma.
Si Abdullah b. Ab’bas, (), ay nag-ulat na ang Sugo ng Allah () ay lumiham kay Heraclius at inanyayahan ito sa Islam at ipinadala niya ito sa pamamagitan ni Dihya Al-Kalbi, na iniabot naman sa Gobernador ng Busra at siyang nagbigay kay Heraclius.
Si Heraclius bilang pasasalamat sa Allah (U), ay naglakad mula sa ‘Hims’ hanggang sa ‘Ilya’ (i.e. Jerusalem) nang siya ay pinagkalooban ng tagumpay laban sa mga puwersa ng Persia. Kaya naman noong natanggap at nabasa niya ang sulat ng Sugo ng Allah (), siya ay nagsabi; ‘Hanapan ninyo ako ng kahit sino sa kanyang mamamayan, (Arabo na tribu ng Quraish) na naririto ngayon upang magtanong tungkol sa Sugo ng Allah ()!’ Sa panahong iyon si Abu Sufyan bin Harb ay nasa Sham na may kasamahan mula sa Quraish na nagtungo (sa Sham) bilang mangangalakal sa panahon na sila ay may kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Sugo ng Allah () at ng mga taga Quraish na di-mananampalataya. Sinabi ni Abu Sufyan;
Nakita kami ng isang alagad ni Heraclius sa may lugar ng Sham kaya dinala kami at ng aking mga kasamahan sa Ilya at kami ay tinanggap sa harapan ni Heraclius na natagpuan naming nakaupo sa kanyang maharlikang bulwagan na may putong ng korona at nakapalibot ang kanyang mga matataas na pinuno. Sinabi niya sa kanyang tagasalin ng wika. ‘Tanungin mo sila kung sino sa kanila ang may pinakamalapit na kaugnayan sa taong nag-aangkin bilang isang Propeta.”
Si Abu Sufyan ay nagsalaysay; “Ako ay sumagot, ako ang may malapit na kaugnayan sa kanya.’ Siya ay tinanong; ‘Anong antas ang inyong pagkamag-anakan sa kanya?’ Siya ay sumagot, ‘Siya ay aking pinsan’, at walang iba pang may kaugnayan sa kanya mula sa mga ‘Bani Abd Manaf’ na kasama ngayon sa aming pangkat kundi ako’. Si Heraclius ay nagsabi; ‘Papuntahin siya sa tabi ko.’ Pinapunta rin ang aking mga kasamahan sa likuran ko sa may bandang balikat ko at sinabi sa kanyang tagasaling wika; ‘Sabihin mo sa kanyang mga kasamahan na tatanungin ko siya (Abu Sufyan) tungkol sa taong nag-aangkin bilang Propeta. At kung siya (Abu Sufyan) ay magsisinungaling, dapat nila itong salangsangin o pabulaanan kaagad.”
Si Abu Sufyan ay nagpatuloy; “Sumpa man sa Allah!, kung hindi lang ako nahihiya sa aking mga kasamahan na tawagin akong sinungaling, hindi ko sana sinabi sa kanya ang katotohanan tungkol sa kanya (ang Propeta) nang ako ay tanungin. Nguni't itinuring kong isang kahihiyan na tawagin akong sinungaling ng aking mga kasamahan kaya ko sinabi ang katotohanan.”
Si Heraclius ay nagsabi sa kanyang tagasalin; “Tanungin mo siya kung anong uri ng angkan na mayroon siya (ang Propeta).’ Siya ay sumagot; ‘Siya ay nagmula sa mga mararangal na angkan mula sa amin.’ At sinabi niya; ‘Mayroon bang ibang tao mula sa inyo na nag-angkin bilang Propeta bago pa man siya?’ Ako ay sumagot; ‘Wala’. Sinabi ni Heraclius; ‘Siya ba ay inakusahan ninyo na sinungaling bago niya inangkin ang pagiging Propeta?; Ako ay sumagot, ‘Hindi’. Siya ay nagtanong ulit; ‘Mayroon bang naging Hari sa kanyang mga ninuno o angkan?’ Ako ay sumagot; ‘Wala’. Nagtanong ulit; ‘Ang mga tagasunod ba niya ay mga mararangal o mga maralitang tao?’ Siya ay sumagot, ‘Ang mga taong maralita ang kanyang mga tagasunod.’ Tinanong ulit; ‘Sila ba ay dumarami o nagiging kakaunti (araw-araw)?’ Sumagot ako; ‘Sila ay dumarami.’ Nagtanong ulit; ‘Mayroon bang yumakap sa kanyang Deen (Relihiyon) na hindi nasiyahan at umalis sa kanyang Deen?’ Ako ay sumagot; ‘Wala.’ Nagtanong ulit; ‘Sumisira ba siya sa kanyang mga (kasunduan) pangako?’ Ako ay sumagot; ‘Hindi, nguni't ngayon ay may kasunduan kaming pangkapayapaan at kami ay nag-aalinlangan na baka siya ay magtalu-sira sa amin.” Si Abu Sufyan ay nagdagdag; “Maliban sa huling pananalita ko, ay wala na akong masabing laban pa sa kanya.” Si Heraclius ay nagtanong ulit; “Nagkaroon ba kayong digmaan laban sa kanya?’ Ako ay sumagot; ‘Oo.’ Siya ay nagtanong ulit; ‘Ano ang naging bunga ng inyong pakikipaglaban sa kanya?’ Ako ay sumagot; ‘Kung minsan sila ay nananalo at kung minsan naman kami.’ Siya ay nagtanong ulit; ‘Ano ba ang kanyang mga itinatagubilin o ipinag-uutos sa inyo?’ Ako ay sumagot; ‘Sinasabi sa amin na sumamba lamang sa Allah, at huwag sumamba ng iba maliban sa Allah, at talikdan ang lahat ng mga sinasamba ng aming mga ninuno. Ipinag-uutos niya ang pagdarasal, pagkakawanggawa, pagiging malinis, tuparin ang mga kasunduan o pangako at ibalik kung anuman ang ipinagkatiwala sa amin.”
Nang sinabi ko iyon, sinabi sa tagasalin-wika ni Heraclius na; ‘Sabihin mo sa kanya; ‘Tinanong kita tungkol sa kanyang angkan at sinabi mo na siya ay mula sa mga mararangal na angkan. Sa katunayan, lahat ng mga Propeta at Sugo ay nagmula sa pinaka-marangal na lahi ng kanilang bayan o pamayanan. Pagkatapos, tinanong kita kung mayroong ibang tao mula sa inyo ang nag-angkin ng ganoong bagay (bilang Propeta), at sinabi mong wala. Kung ang iyong sagot ay pagsang-ayon, inisip ko baka siya ay sumunod lamang sa yapak ng nauna sa kanya. Nang tanungin kita kung siya ay inakusahan o nagsabi ng kasinungalingan, ang sagot mo ay hindi, kaya masasabi ko na ang taong hindi pa nagsinungaling sa mga tao ay hindi magsisinungaling tungkol sa Allah. At tinanong kitang muli kung mayroon ba siyang ninuno na naging hari. At ikaw ay sumagot na "wala", na kung mayroon siyang ninuno na naging hari, maaaring nais lamang niyang maibalik ang pinagmulang kaharian. Nang tanungin kita kung ang mga mayayaman o mga dukha ang kanyang mga tagasunod, ikaw ay sumagot na ang mga maralita ang karaniwang sumusunod sa kanya. Sa katunayan, ang mga taong maralita ang mga karaniwang tagasunod ng mga Sugo at Propeta. Pagkatapos tinanong kita kung ang kanyang mga tagasunod ay dumarami o kumukonti. Ikaw ay sumagot na sila ay dumarami. Sa katotohanan, ito ang bunga ng isang tunay na pananampalataya hanggang ito ay mabuo nang ganap. At tinanong kita kung mayroon sa kanyang mga tagasunod, pagkatapos yumakap sa kanyang Deen, ay hindi nasiyahan at iwinaksi ulit ang kanyang Deen, at ang iyong sagot ay patanggi na naman. Sa katunayan, ito ang palatandaan ng tunay na pananampalataya, na kung ang kasiyahan dito ay pumasok nang ganap sa puso, walang sinuman ang makakatanggi dito. At tinanong kita kung sumisira siya sa kanyang mga pangako, ikaw ay sumagot ulit ng patanggi. Ganyan ang mga Propeta at Sugo na tumutupad lagi sa mga pangako. Nang tanungin kita kung kayo ay nagkaroon ng labanan at ang sagot mo ay pag-amin at sinabi mo kung minsan sila ay nananalo at kung minsan ay kayo. Tunay, na ang mga Sugo at Propeta ay nabibigyan ng pagsubok at sa huli ang tagumpay ay sa kanila. Pagkatapos tinanong kita kung ano ang ipinag-uutos sa inyo. Ang sagot mo ay inuutusan kayong sumamba lamang sa Allah at huwag magtambal ng ibang diyos sa pagsamba sa Kanya, at talikdan ang lahat ng mga dating sinasamba ng inyong mga ninuno, ang mag-alay ng pagdarasal, ang magsabi lang ng katotohanan at maging malinis, tuparin ang mga pangako at ibalik kung anuman ang ipinagkatiwala sa inyo. Ang mga ito ang tunay na katangian ng Propeta na alam kong darating (na nabanggit mula sa mga naunang kapahayagan), subali't hindi ko alam na siya ay magmumula sa inyo. Kung ang iyong mga sinabi ay katotohanan, hindi malayong mangyari na sasakupin niya ang daigdig at ang lugar na kinatatayuan ko, at kung nababatid ko na siya ay aking maaabutan, ako ay tutungo sa kanya upang makaharap siya, at kung siya ay aking makakasama, katiyakang aking huhugasan ang kanyang mga paa.” Patuloy ni Abu Sufyan; ‘Tinanong ni Heraclius ang liham ng Propeta ng Allah at ito ay binasa. Ang nilalaman ay;
Ako ay nagsisimula sa Ngalan ng Allah, ang Mahabagin, ang Maawain. (Ang liham na ito ay) mula kay Muhammad, ang alipin ng Allah at ang kanyang Sugo, para kay Heraclius, ang Hari ng Byzantine. Kapayapaan sa mga tumatahak sa tamang patnubay. Kayo ay aking inaanyayahan sa Islam. (i.e. ang pagsuko sa Allah). Tanggapin ninyo ang Islam at kayo ay maliligtas, tanggapin ninyo ang Islam at kayo ay mabibigyan ng dalawa o ibayong gantimpala. Datapwa’t kung tatanggihan ninyo ang paanyaya ng Islam, kayo ay mananagot sa mga iniligaw ninyong mga tagasunod (i.e.: ang inyong bayan o pamayanan). “O Angkan ng Kasulatan! Halina kayo sa isang usapan na makatarungan sa pagitan namin at ninyo, na huwag tayong sumamba (sa iba) maliban sa Allah, at huwag tayong magbigay ng anumang katambal sa Kanya, at huwag nating itakda ang ilan sa atin bilang panginoon maliban sa Allah. At kung sila ay magsitalikod, inyong sabihin; ‘Maging saksi kayo na kami ay mga tumatalima at sumusuko (sa Allah).” (Qur’an, 3:65)
Nagpatuloy si Abu Sufyan; ‘Nang matapos magsalita si Heraclius, nagkaroon ng malakas na hiyawan at iyakan mula sa mga matataas na opisyal ng Byzantine, at may malalakas na ingay na hindi ko naintindihan. Sa gayong dahilan, kami ay pinalabas na sa bulwagan.’ Nang kami ay nakalabas ng aking mga kasamahan at kami-kami na lamang, sinabi ko sa kanila, ‘Tunay na ang kalagayan ni Ibn Abi Kabsha (i.e.: ang Propeta) ay nagtatamo ng lakas (o kapangyarihan). Pinangangambahan na siya nitong Hari ng Bani Al-Asfar.” Dagdag pa ni Abu Sufyan; ‘Sumpa man sa Allah , nakatitiyak ako na ang Deen na ito (Relihiyon ng Islam) ay magtatagumpay… at sa bandang huli niyakap ko na rin ang Islam.’ (Bukhari #2782)
  1   2   3   4   5   6   7


Verilənlər bazası müəlliflik hüququ ilə müdafiə olunur ©azrefs.org 2016
rəhbərliyinə müraciət

    Ana səhifə